Home NATIONWIDE 6 local hospital bill ni Bong Go aprub sa Senado

6 local hospital bill ni Bong Go aprub sa Senado

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado ang anim na local hospital bill na pangunahing isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go, bilang chairperson ng Senate committee on gealth, sa ikatlo at huling pagbasa.

Ang mga pagsisikap na ito ni Go ay upang lalo pang mapahusay ang healthcare infrastructure ng bansa.

Sa kanyang manipestasyon, lubos na pinasalamatan ni Go ang mga kasama niya sa Senado sa kanilang sama-samang pasuporta sa pagsusulong ng mga hakbang na ito.

“Mr. President, I also would like to thank all of our colleagues for their support for the measures upgrading and establishing new hospitals. Maraming salamat po sa lahat ng mga kasamahan natin dito sa Senado,” ani Go sa session.

Kabilang sa mga naaprubahang panukalang batas ang:

– House Bill No. 8426: upgrading the Bataan General Hospital in Balanga into a multi-specialty facility and doubling its bed capacity to 1,000;

– House Bill No. 8483: establishing the Northern Tagalog Regional Hospital, a Level II facility, in Rodriguez, Rizal;

– House Bill No. 8492: creating the Victorias City General Hospital in Victorias, Negros Occidental;

– House Bill No. 9335: upgrading the Basilan General Hospital in Isabela to a Level III hospital, renaming it the Basilan Medical Center;

– House Bill No. 9623: establishing a Level III general hospital in Bay, Laguna, to be known as the Laguna Regional Hospital; at

– House Bill No. 9624: establishing a Level II general hospital in San Jose, Nueva Ecija, named the Sen. Edgardo J. Angara General Hospital.

Samantala, binigyang-diin ni Go na mahalagang magamit nang maayos ang mga pampublikong resources na inilaan para sa health program na pakikinabangan ng mga Pilipinong nangangailangan ng medical care para sa epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care Law.

“As we aim to further improve our healthcare system, I also want to take the opportunity to reiterate the need for sufficient funding, to implement the programs and projects under the Universal Health Care Law. Ang dami pa pong pondo ng PhilHealth sa ngayon, kaya nga po nawawalis ng ating mga finance manager(s) ang pondo nila,” paliwanag ni Go.

Sinabi niya na kailangan ang mas mahusay na pamamahala sa pondo ng PhilHealth upang matiyak na ang financial resources ay nakatuon sa pagpapahusay ng mga benepisyong pangkalusugan at pagpapalawak ng mga programa sa halip na hindi magamit o maibalik sa National Treasury para sa iba pang mga layunin.

“Parati nating pinapaalala sa PhilHealth, dapat po ang pondo ng PhilHealth ay gamitin po sa kalusugan. Ang dami pong pondo ng PhilHealth na hindi nagagamit para mapataas pa ang halaga at ma-expand pa ang mga programa,” ani Go.

Ang komite ng kalusugan, sa ilalim ng pamumuno ni Go, ay nakatakdang magsagawa ng pagdinig para sa mga update mula sa mga opisyal ng Kalusugan, partikular sa pagbabayad ng nakabinbing Health Emergency Allowances ng mga kwalipikadong healthcare workers, pagpapatupad ng mga programa sa pagpapahusay ng health facilities, mga programa sa medical assistance sa mahihirap na pasyente, gayundin ang wastong paggamit ng pondo ng PhilHealth.

Dagdag pa rito, ipinahayag ni Go ang kanyang pagsuporta sa Senate Bill No. 2620, na inakda ni Senador JV Ejercito, na layong amyendahan ang UHC Law at bawasan ang premium contributions ng mga miyembro ng PhilHealth upang mapagaan ang pinansiyal na pasanin ng publiko. RNT