MANILA, Philippines- Arestado ang anim na indibdiwal sa online sexual abuses sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG).
Sa ulat nitong Martes, sinabi ng ACG na nadakip ang isang 33-anyos na lalaking kinilalang si “Dan” matapos magbahagi ng pribadong mga larawan at video ng isang 16-anyos na babaeng biktima sa kanyang kaibigan.
Niligawan ng suspek sa Facebook ang biktima noong senior high school student pa lamang ito, at matapos ang paulit-ulit na paghiling, nakuha nito ang tiwala ng babae na magpadala ng mga pribadong materyal.
Isinumbong ng ina ng biktima ang usapan sa pagitan ng kanyang anak at ng suspek sa police anti-cybercrime unit, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Dan noong Jan. 25 sa Manila.
Nahaharap si Dan sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act No. 7610 ) kaugnay ng Cybercrime Prevention Act (RA No. 10175).
Isa pang ACG report na isinapubliko nitong Martes ang kaso ng 28-anyos na lalaking kinilalang si “Bern” na nag-post ng defamatory statements at mga pribadong larawan ng kanyang ex-fiancée na nakuha niya sa pwersang pagkuha sa cellphone ng biktima.
Nagbanta si Bern na ipakakalat ang mga pribadong video kapag tumanggi itong bumalik sa kanya.
Nadakip siya noong Jan. 26 sa Calabanga, Camarines Sur.
Nahaharap siya sa kasong computer-related identity theft at grave coercion sa ilalim ng Article 286 ng Revised Penal Code.
Kakasuhan din siya ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act, kapwa kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.
Nadakip naman ang kinilalang si “John,” at tatlong kasabawat noong Jan. 30 sa Basista, Pangasinan, dahil sa sextortion, base sa hiwalay na ulat ng ACG nitong ring Martes.
Batay sa anti-cybercrime unit, ang biktima ay isang 19-anyos na babaeng college student.
Pinilit umano ng suspek na magbayad ang biktima ng inisyal na P1,000 o ipakakalat nito ang mga pribadong larawan nito sa kanyang mga kaibigan.
Tumaas ang halaga sa P10,000, hanggang P15,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery with a grave threat, grave coercion, at robbery with intimidation of persons sa ilalim ng Articles 282, 286, at 294 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.
“Those who exploit and victimize others have no place in the digital world,” giit ni ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang nitong Martes. RNT/SA