MANILA, Philippines- Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at National Capital Region (NCR) na manatiling alerto at magpatupad ng mahalagang paghahanda para sa potensyal na lindol at tsunami sa kabila ng nararanasang bilang ng ‘seismic activities’ sa Manila Trench.
Ito’y sa kabila ng sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nabawasan na ang mga paglindol sa Manila Trench, mayroon namang naitalang tig-isang aktibidad noong Disyembre 24 at 25, 2024.
Ilang araw bago ang Pasko, iniulat ng Phivolcs na may kabuuang 55 lindol o pagyanig sa baybayin ng Ilocos Sur, natunton patungong Manila Trench, nauwi sa pag-aalala para sa posibleng high-magnitude earthquakes.
Sa isang abiso, hinikayat ng DILG ang mga kinauukulang local chief executives na maghanda para sa posibleng pagtindi ng ‘earthquake sequence.’
Sa kabilang dako, inatasan ang LGUs na i-convene ang kanilang local Disaster Risk Reduction and Management Councils, magsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessments, at mahigpit na ipatupad ang ‘minimum early at critical preparedness measures’ base sa Operation L!STO manuals.
“They are also expected to identify and establish evacuation routes, directional signs, and safe zones for at-risk communities; organize and train response teams; preposition food, temporary shelters, and debris-clearing equipment; and ensure the availability of lifeline utilities,” ang nakasaad sa kalatas.
Samantala, sinabi ng DILG na kailangan ding mahigpit na makipag-ugnayan ang LGUs sa kanilang regional at provincial DRRMCs, Phivolcs, at iba pang kaugnay na ahensya para sa ‘technical support, risk assessments, at public awareness campaigns.’
Inalerto naman ng DILG ang publiko lalo na iyong mga nakatira sa coastal communities, na i-monitor ang ‘natural signs’ ng papalapit na local tsunami, at kagyat na lumipat sa mataas na grounds o lumayo mula sa shoreline kung mayroong naobserbahang anumang senyales o tanda ng tsunami. Kris Jose