MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na na-monitor nito ang kabuuang 284 road traffic incidents sa gitna ng holiday season.
Iniulat ang mga insidente sa kalsada sa walong pilot sites sa ilalim ng monitoring ng Department mula December 22 hanggang alas-6 ng umaga ng December 27.
Batay sa DOH, ang 284 insidente ngayong taon ay mas mataas ng 9% kumpara sa tala noong 2023.
Sinabi ng DOH na 53 sa mga insidente ay kinasangkutan ng mga lasing na driver, 249 ang kinasangkutan ng mga driver na walang safety accessories, at 196 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo.
Dahil dito, nagpaalala ang Health Department na iwasang magmaneho nang pagod o lasing upang maiwasan ang aksidente.
Dapat ding magsuot ng mga motorista at mga pasahero ng mga ito ng helmets at seatbelts. Obserbahan din ang speed limit at road signs.
Payo pa ng DOH sa mga motorista, magkaroon ng pito hanggang walong oras ng tulog at iwasan ang mga abala tulad ng mobile phones habang nagmamaneho.
“Sakaling mangailangan ng tulong, tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline,” anang DOH. RNT/SA