MANILA, Philippines- Naglabas ang Commission on Elections ng show cause order laban sa anim na kandidato sa Senado dahil sa paglabag sa mga batas sa halalan sa mga campaign poster.
Ilan sa campaign materials ay inilagay sa hindi eco-friendly na lugar at ipinako pa sa mga puno na ikinagalit ng publiko.
Nagbabala ang environmental advocate na si Ronald Posadas na ang pagpapako ng mga poster sa mga puno ay maaaring magdulot ng pagkabulok.
Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Garcia na sa election laws ay ipinagbabawal ang mga ganitong gawain na idiniin ang pangangailangan para sa isang eco-friendly na kampanya.
“Hindi ba meron tayong environmentally sustainable election? Eh may buhay po yung puno. Di ba kahit nga kayo, pakuan nga kayo, kahit kuko lang, masakit eh. Eh puno rin naman. Ganoon din yan,” sabi ni Comelec Chairman George Garcia.
Pinaalalahanan din ni Garcia ang mga kandidato na ang posters ay dapat lamang na mailagay sa mga designated areas hindi sa public buildings o eskwelahan.
Lahat ng senatorial candidates ay inabisuham na alisin ang illegal nilang campaign materials habang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay hahawakan ang anumang mga environmental law violations.
Hinikayat ng Comelec ang mga kandidato na igalang ang mga regulasyon sa halalan at iwasan ang mga puno sa kanilang kampanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden