MANILA, Philippines – Ipinatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang 60-araw na nationwide price freeze sa mga pangunahing bilihin kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national calamity dahil sa Bagyong Tino at inaasahang pagdating ng Super Typhoon Uwan.
“Ang price freeze ay mananatili sa bisa sa loob ng 60 araw, o hanggang ito’y iangat ng pangulo. Nakipag-ugnayan ang DTI sa lahat ng pangunahing ahensya ng NPCC upang protektahan ang mga mamimili sa panahong ito,” ayon sa ahensya.
Sinabi ng DTI na nakikipagtulungan ito sa mga manufacturer, retailer, at distributor upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga bilihin.
“Lahat ng DTI Regional at Provincial Offices ay nakaalerto at handang ipatupad ang price freeze at tiyakin ang sapat na suplay sa buong bansa.”
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 188 ang nasawi at 139 ang nasugatan dahil sa Bagyong Tino. RNT