MANILA, Philippines – Isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napatay habang dalawang anak niya ang kritikal ang kalagayan matapos ang armadong engkwentro noong Miyerkules sa Barangay Ganta, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), nasangkot sa palitan ng bala ang pamilya Buisan, na suportado umano ng MILF Task Force Itihad, at pamilya ni Kagi Fahad Sapal, na sinasabing may backing mula sa MILF 105th Base Command.
Ang nasawi ay kinilalang si Commander Bandao ng 105th Base Command. Kasalukuyang ginagamot ang kanyang dalawang anak sa lokal na ospital.
Ayon sa pulisya, ang engkwentro ay nag-ugat sa personal na alitan ng dalawang grupong kaakibat ng MILF.
Patuloy na minomonitor ng awtoridad ang lugar upang maiwasan ang paghihiganti at paglala ng tunggalian. RNT