NIGERIA – Ipina-deport ng Nigeria ang 102 dahuhan kabilang ang 60 Chinese nationals at 39 Filipino na inireklamo sa “cyber-terrorism and internet fraud.”
Sa pahayag ng Economic and Financial Crimes Commission (EFCC) nitong Huwebes, Agosto 21, sinabi na 50 Chinese ang kabilang sa mga pinakahuling naipa-deport, at kasama rin dito ang isang Tunisian.
Ayon kay EFCC spokesman Dele Oyewale, napauwi na rin ang 39 Filipino, 10 Chinese at dalawang Kazakhstanis mula pa noong Agosto 15.
Inaasahang mas marami pa ang mapapauwi sa mga susunod na araw.
Ang mga deportees ay kabilang sa 792 hinihinalang cybercriminals na naaresto sa operasyon sa Victoria Island, Lagos noong Disyembre.
Nasa 192 sa mga naaresto ang dayuhan, kung saan 148 dito ang mga Chinese.
May reputasyon ang Nigeria sa mga internet fraudster na tinatawag nilang “Yahoo Boys” kung saan ang operasyon ng mga ito ay isinasagawa sa ilang hideout sa bansa.
Sinabi ng ahensya na ang mga foreign gang ay nagre-recruit ng mga kasabwat na Nigerian para mambiktima online sa pamamagitan ng phishing scam.
Karamihan sa mga target ng mga ito ay mga Amerikano, Canadian, Mexican at European. RNT/JGC