Home NATIONWIDE 60-day rice import ban posible pang pahabain – DA

60-day rice import ban posible pang pahabain – DA

246
0

MANILA, Philippines – Inihahanda ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpapalawig ng 60-day rice import ban at pagtaas ng taripa upang suportahan ang mga lokal na magsasaka ng palay, ayon kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkoles.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DA na maghanda ng mga kaukulang utos. Nagsimula ang suspensyon noong Setyembre 1 at matatapos sa Nobyembre. Sa ngayon, nasa 15 porsyento ang taripa sa imported rice.

“Gusto ni Presidente tumaas ang presyo ng palay to more reasonable levels,” ani Tiu Laurel, na target ang ₱16 hanggang ₱17 kada kilo kumpara sa kasalukuyang presyo na ₱8 hanggang ₱12 sa ilang lugar.

Hindi binanggit ang eksaktong haba ng posibleng extension, dahil aniya maaaring magdulot ito ng “hedging” sa mga trader. Final decision ukol sa haba ng ban at taripa ay ilalabas matapos makakuha ng mas kumpletong datos, na maaaring ianunsyo pagsapit ng kalagitnaan ng Oktubre.

Patuloy ding tinatalakay ng economic team ang posibilidad na ibalik ang dating 35 porsyento na taripa. Naunang iminungkahi ng DA ang unti-unting pagtaas sa 25 porsyento mula sa kasalukuyang 15, ngunit pansamantalang ipinagpaliban ito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here