MANILA, Philippines – Higit sa 6,000 local at overseas job vacancies at iba’t ibang one-stop government services ang ilalaan para sa mga job seeker sa sabayang Department of Labor and Employment (DOLE) Trabaho Agad Job Fairs o “Araw ng Kalayaan” ngayong June 12, 2026, sa Koronadal City at Isulan, Sultan Kudarat, bilang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng bansa.
Sa kabila ng pinsalang dulot ng kamakailang lindol, gaganapin ang job fairs sa mga lugar na hindi gaanong naapektuhan ng sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok habang patuloy na naghahatid ng oportunidad at pag-asa sa mga naghahanap ng trabaho.
Itatampok sa mga aktibidad ang Trabaho Agad initiative ni Labor Secretary Francis N. Tolentino, na layong pabilisin ang job matching, ilapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga komunidad, at makatulong sa pagbalik sa normal ng mga lugar na ito.
Layunin ng inisyatiba na magbigay ng agarang suporta at bagong oportunidad para sa mga manggagawa at pamilyang bumabangon mula sa sakuna.
Sa dalawang job fair sites, kabuuang 6,053 employment opportunities ang ilalaan, kabilang ang 5,127 local vacancies at 926 overseas vacancies.
Tutulungan din ng mga ahensya ng gobyerno ang mga aplikante sa employment-related requirements at services upang mapadali ang hiring at job placement.
Sa Koronadal, gaganapin ang job fair sa Barangay Zone III Gymnasium, kung saan 21 local employers ang mag-aalok ng 4,904 vacancies sa iba’t ibang industriya. Isang licensed recruitment agency rin ang lalahok at mag-aalok ng 66 overseas job vacancies.
Samantala, sa Sultan Kudarat, gaganapin ang job fair sa Socio-Cultural Sports Complex, Provincial Capitol Compound, Isulan, kung saan may 12 local employers na mag-aalok ng 223 local vacancies at tatlong recruitment agencies na mag-aalok ng 860 overseas employment opportunities.
Para mas matulungan ang mga aplikante, magkakaroon ng One-Stop Shop ng government services sa parehong venue kung saan maaaring ayusin ng mga kalahok ang employment-related requirements at makinabang sa iba’t ibang government programs.
Kabilang sa mga lalahok na ahensya ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Hinikayat ni DOLE XII Regional Director Imelda F. Gatinao ang mga job seeker, fresh graduate, displaced workers, at mga nais umasenso sa kanilang career na samantalahin ang event sa pamamagitan ng pagdadala ng updated resume at iba pang kinakailangang dokumento para sa posibleng on-the-spot interviews at hiring.
Bahagi ang Trabaho Agad Job Fair ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno na palawakin ang access sa disente at maayos na trabaho, pagbutihin ang labor market efficiency, at suportahan ang inclusive economic growth sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga manggagawa sa mga available na trabaho at serbisyo.
Payo ng DOLE sa mga job seeker, maaaring bumisita ang mga interesadong aplikante sa pinakamalapit na venue sa kanila at makinabang sa mga oportunidad sa trabaho at government services ngayong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden