MANILA, Philippines – Kabuuang 629 ang kumuha ng 2025 Shari’ah Special Bar Examinations (SSBE) sa apat na testing centers nitong Linggo sa buong bansa.
Ang pagsusulit ngayong taon ay nagtala ng kasaysayan matapos maging ganap na digital ang pagsusulit sa wikang Arabic—kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Shari’ah Bar Exams.
Isinagawa ng sabay-sabay ang pagsusulit sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City, Mindanao State University–Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), Ateneo de Davao University (ADDU), at Ateneo de Zamboanga University (ADZU).
May pinakamaraming bilang ng mga examinee ang MSU-IIT na umabot sa 314, sinundan ng UP Diliman na may 156, ADDU na may 119, at ADZU na may 40.
Sa kabuuang bilang ng kumuha ng pagsusulit, 92 ang piniling kumuha nito sa wikang Arabic, na isinagawa sa digital na paraan sa unang pagkakataon.
Sinagot ng mga examinee sa unang araw ng pagsusulit ang mga paksa ukol sa Jurisprudence (Fiqh), Customary Laws (Adat), at Persons, Family Relations, and Property.
Nakatakda naman sa Mayo 28 ang ikalawa at huling araw ng pagsusulit na sasaklaw sa mga paksang Succession, Wills/Adjudication, Settlement of Estates, at mga Proseso sa Shari’ah Courts.
Pinamumunuan ang 2025 SSBE ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho, Jr. Jocelyn Tabangcura-Domenden