Home NATIONWIDE 24/7 Odd-Even scheme ipatutupad sa EDSA

24/7 Odd-Even scheme ipatutupad sa EDSA

151
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula sa Hunyo 16, 2025 ay sisimulan na ang “dry-run” sa 24/7 odd-even scheme sa EDSA upang maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko bunsod na din sa pagsisimula ng rehabilitation ng highway simula sa Hunyo 13.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, hindi papayagang dumaan sa EDSA tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes ang mga sasakyang nagtatapos ang numero ng plaka sa 1, 3, 5, 7 at 9. Ang mga sasakyan namang nagtatapos ang numero ng plaka sa 2,4,6,8, at 0 hindi papayagang tumahak sa EDSA ng Martes, Huwebes at Sabado.

Inaasahan naman ng MMDA na sa gagawing pagpapatupad ng odd-even scheme ay mababawasan ng 40% ang mga sasakyang dumadaan sa EDSA habang ang regular na number coding ay mananatili pa rin sa ibang mga lansangan sa Metro Manila.

Bukod sa nasabing panuntunan ay may isa pang bagong patakaran ang ipatutupad kung saan ipagbabawal ang pagdaan sa mga provincial buses, mga truck na may kargang nasisirang produkto, trak ng basura at aviation fuel delivery trucks na tumahak sa EDSA ng mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.

Sinabi naman ni DOTr Secretary Vince Dizon na padaragdagan nila ng bus ang EDSA Bus Carousel at train sa MRT-3, pati na ng hindi na pagsingil sa mga daraan sa Skyway Stage 3.

Kaugnay nito, ibinahagi ng MMDA na sa unang araw ng pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ay nakahuli sila ng higit 1,100 na mga violators. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here