
NAKAAALARMA ang sobrang init ng panahon ngayon. Ayon sa PAGASA forecast (as of 5 PM, March 4, 2025), maaaring umabot sa temperaturang 38-40 degree Celsius ang heat index sa Metro Manila.
Alam ba ninyo na malaki ang tyansa ng heat stroke dulot ng exposure sa sobrang init? Ayon sa Center for Disease Control and Prevention o CDC ng United States, maaari tayong makaranas ng mild effects tulad ng heat exhaustion, collapse (syncope) at heat cramps.
Nakararanas din ng dehydration ang taong na-heat stroke. Kung hindi maaagapan, maaaring maapektuhan nito ang ating brain, heart, kidney at mga muscle.
Ayon sa Department of Health, karaniwang tinatamaan ng heat stroke ang mga taong nasa edad 50 pataas gayundin ang mga malulusog na batang atleta at iba pa na madalas nabibilad sa init ng araw.
Hindi rin makaliligtas sa heat stroke ang mga bata at matatanda na mabagal mag-adjust ang katawan kapag na-expose sa sobrang init lalo na iyong mga taong dumaranas ng hypertension, diabetes mellitus, kidney disease, mental illness, alcoholism at lagnat.
Ano ang mga solusyon laban sa heat stroke?
Malaki ang maitutulong ng pag-inom ng napakaraming tubig. Mas mainam na kumonsulta sa doktor bago uminom ng anomang electrolyte replacement water. Magsuot ng magagaan at light-colored na damit.
Mamalagi sa loob ng bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas. Kung nasa trabaho, alamin at makinig sa mga panuntunan ng employer tungkol sa heat stress. Uminom ng maraming tubig imbes na iced tea, alcoholic beverages, soda at coffee at tumawag sa medical emergency hotline kapag may nararamdamang pagkahilo.
*******
Matagumpay na naisagawa noong Martes ang Meet the Press Weekly Forum ng National Press Club of the Philippines na pinangunahan ni NPC President Leonel “Boying” Abasola. Kabilang sa mga panauhin sina Sr. Supt. Annalee C. Atienza-Public Information Service Chief ng Bureau of Fire na tumalakay sa ilang programa at kampanya ngayong fire month.
Inihayag naman ng pangalawang panauhin at tumatakbong senador Teddy Casiño ang panukalang sasawata sa political dynasty kung sakaling mahalal sa pwesto. Sa pangatlo, hindi napigilan ni TODA Party List first nominee at Valenzuela Councilor Rovin Feliciano ang adhikaing palakasin ang kanilang puwersa sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa kung sakaling makakuha ng seat sa darating na halalan.
Sa ating mga naging guest sa Meet the Press, MARAMI PONG SALAMAT AT MABUHAY!