MANILA, Philippines – Isang pitong-taong-gulang na batang babae sa Butuan City ang dinukot, ginahasa, pinatay, at itinapon sa isang tuyong balon ng kaniyang kapitbahay.
Ayon sa ulat ng pulisya, iniulat ng ama ng bata ang pagkawala ng kaniyang anak noong madaling araw ng Marso 15. Kinalaunan, natagpuan ang bangkay nito isang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.
Naaresto ang 29-anyos na kapitbahay na una pang sumama sa paghahanap ngunit biglang naglaho nang may makitang kasuotan sa crime scene na naugnay sa kaniya.
Kalaunan, umamin umano ang suspek, na lasing nang pasukin ang bahay ng biktima, suntukin ito, at dalhin palabas habang tulog ang ama ng bata.
Matapos pagsamantalahan ang bata, itinapon niya ito sa balon. Humihingi umano siya ng tawad sa ginawa.
Isasailalim ang suspek sa drug test dahil sa impormasyong gumagamit ito ng ilegal na droga.
Sasampahan ang suspek ng kasong rape with homicide. RNT