MANILA — Tinanggal sa pwesto si Metro Rail Transit-3 (MRT-3) General Manager Oscar Bongon, ayon sa anunsyo ng opisina ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Martes, Marso 18, 2025.
Hindi pa isinasapubliko ng Department of Transportation (DOTr) ang dahilan ng pagtanggal kay Bongon, ngunit nakapagsumite na umano ito ng listahan ng posibleng kapalit. Kasalukuyang naghihintay ang DOTr ng kumpirmasyon mula sa Malacañang.
Sa mga nagdaang linggo, ilang isyu ang kinaharap ng MRT-3, kabilang ang insidente sa escalator ng Taft Avenue Station kung saan 10 pasahero ang nasugatan matapos itong biglang mag-malfunction. Naputol ang pangunahing kadena ng escalator, na nagdulot ng pagkatumba ng mga pasahero.
Bukod dito, nagkaroon din ng aberya ang MRT-3 northbound train malapit sa Santolan-Annapolis Station, kung saan nawalan ito ng kuryente at napilitang buksan ng mga pasahero ang mga bintana dahil sa usok at tila pagsabog na narinig sa tren. RNT