Kinumpirma ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may permit na ang pro-Duterte na pagtitipon sa The Hague sa Marso 23, ngunit naghahanap ang mga organizer ng mas malaking venue dahil 500 katao lamang ang maaaring tanggapin sa aprubadong lugar.
“Bago dumating sa birthday, magkakaroon talaga ng pagtitipun-tipon. Mayroon nang permit, mayroon nang venue. Ang problema, naghahanap kami ng mas malaking venue kasi 500 lang daw ang maa-accommodate,” ani Roque.
“Mayroon pong pagtitipun-tipon sa 23 ng buwan na ito na dadaluhan ng mga taga-Europa. Naghahanap lang kami ng mas malaking venue, kasi yung na-aprubahang venue can only accommodate 500,” dagdag pa ng dating tagapagsalita ng dating pangulo.
Sinabi rin ni Roque na plano nilang kumuha ng permit para sa isa pang pagtitipon sa kaarawan ni Duterte sa Marso 28.
Samantala, ilang grupo ng mga Pilipino mula Austria, Switzerland, at Hungary ang naghanda na ng transportasyon, habang ang isang grupo mula Prague ay inaayos na rin ang kanilang pagpunta. RNT