MANILA, Philippines – Pinagbabayad ng Supreme Court ng danyos ang isang guro sa pamilya ng isang estudyante namatay matapos tamaan ng puno ng saging na ipinag-utos niyang putulin ng kanyang estudyante.
Ayon sa Korte, ang mga guro ay maaaring mapanagot para sa pinsalang dulot ng isang mag-aaral sa ilalim ng kanilang pangangasiwa kung hindi sila nagsagawa ng angkop na pagsisikap o due diligence para mapigilan ang anumang insidente.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, pinagtibay ng First Division ng Korte ang pananagutan ni Gil Apolinario (Apolinario), ang punong-guro ng Brgy. Palale Elementary School sa Sta. Margarita, Samar, para sa danyos na bunga ng pagkamatay ni Francisco De Los Santos.
Inutusan ni Apolinario ang isang 15-anyos na estudyante na putulin ang puno ng saging malapit sa paaralan at katabi ng highway. Tinamaan si De Los Santos na noon ay sakay ng isang motorsiklo.
Pinagbabayad ng Korte si Apolinario ng P355,000.00 bilang danyos at gastusin sa paglilitis sa mga tagapagmana ni De Los Santos.
Ayon sa Korte Suprema, ang mga guro at pinuno ng paaralan ay may pananagutan sa mga aksyon ng mga mag-aaral habang nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa. Kahit sa labas ng oras ng pag-aaral, ang mga tagapagturo ay dapat magsagawa ng angkop na pagsisikap kapag nagtatalaga ng mga gawain sa mga mag-aaral.
Sa ilalim ng Civil Code, ang isang taong nagdudulot ng pinsala sa iba dahil sa pagkakamali o kapabayaan ay dapat magbayad para sa pinsalang nagawa.
Sa ilalim ng prinsipyo ng vicarious liability, ang obligasyong ito ay nalalapat din sa mga gurong nangangasiwa at mga pinuno ng paaralan na pangunahing responsable sa mga aksyon ng kanilang mga mag-aaral habang nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa, maliban kung maipakita nila na gumawa sila ng wastong pag-iingat.
Sinabi ng Korte na nabigo si Apolinario na magsagawa ng due diligence. Hindi niya ginawa ang mga kinakailangang pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at iba pang mga tao sa kalapit na lugar na maaaring maapektuhan. Teresa Tavares