
HABANG hindi pa rin tumitining ang usapin kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court sa kasong crime against humanity, tuloy-tuloy naman ang pagsasamantala ng mga iligalista sa kanilang mga kahindik-hindik na operasyon diyan sa Region 4A o CaLaBaRZon.
Habang taranta ang pamilya Duterte sa pag-aasikaso sa pagbuo ng legal team para sa depensa ng dating Pangulo at abala naman ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paggisa at pilit pagpapahingi ng “sorry” sa mga vloggers, ang mga sumasabotahe sa ekonomiya ng Pilipinas ay patuloy ang pananalasa at ang masakit may mga kasabwat pa ang mga itong nakauniporme.
Kalat ang perya sa mga lugar sa Region 4A na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Limang lalawigan na maituturing na mga malalaki at sikat na lugar na madalas puntahan ng mga turista— lokal o internasyonal.
Masaklap pa, ang ilan sa mga operator ng peryang nagkalat ay pawang mga mga binabanggit na kakilala sa Police Regional Office 4A at maging sa Criminal Investigation and Detection Group. Ganoon?
Dapat malaman ito ng PRO 4A Regional Director na si PBGen Kenneth Lucas dahil pangalan niya ang masisira sa mga maling ginagawang ito ng mga taong sangkot sa perya.
Isang halimbawa si Alias Ka Tessie na namamayagpag ang operasyon sa likod ng Jollibee ng San Pablo City at Pook Rosario sa Batangas. Namamayagpag din ang operasyon ni Alias Juliet sa ilang lugar sa Sta. Rosa, Laguna.
Pero teka, bulong ng ating munting sitsiritsit, maging ang paihe o fuel pilferage ay malawakan ang operasyon sa Quezon. Isang Alias Troy ang umano’y may pakana at bumabanggit ng mga pangalan ng opisyal.
Araw at gabi ang operasyon ng paihe nitong si Troy sa diversion road ng Sariaya at Lucena City sa Quezon. Minsan, ayon sa munting sitsiritsit, may police mobile car pa na nagbabantay sa operasyon para nga naman walang sita.
Baka nga ito ang nagpapakalat na may proteksyon siya sa Philippine National Police kaya naman hantaran ang kanyang pagyayabang sa kanyang operasyon?
Tingnan natin ang tikas ng mga iligalistang ito kapag nanatili pa sila hanggang sa matapos ang buwan ng Marso.