Home OPINION FREEDOM OF EXPRESSION PILIT SINUSUPIL?

FREEDOM OF EXPRESSION PILIT SINUSUPIL?

ILANG vloggers na ipinatawag ng tri-committee ng House of Representatives ang dumalo sa pagdinig kahapon kaugnay sa mga umano’y naglalabasang fake news ang halos hindi na makapagsalita dahil todo-gisa at pamamahiya ang ginawa sa kanila ng mga mambabatas na hindi matanggap na nananatiling may mga sumusuporta pa rin kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa pagdinig, bagaman malinaw na naipaliwanag nitong vloggers na “hindi fake news” ang kanilang ipinakakalat, nananatiling maangas ang mga mambabatas at pilit na iginigiit na mali ang mga nilalaman ng kanilang mga vlog.

Kaya naman sapilitan ang pagpapaamin ng mga ito sa mga humarap na vloggers na siyempre natatakot naman na sampahan ng “contempt of court” nitong mga mambabatas dahil alam nilang kayang-kaya silang ipakulong ng mga ito at manatili sa detention cell ng Kongreso.

Natural lang na matakot ang mga ito ay upang makaiwas sa magiging problema ay napipilitang sabihing nagkamali sila bagaman labag sa kanilang kalooban.

Ganito na ba talaga ang Pilipinas? Wala nang karapatan ang mamamayan na maglabas ng kanyang saloobin? Aba, senyales na ito na baka ilang tulog na lang ay ‘totally’ wala na taong kalayaan na gawin ang ating nais at sabihin ang laman ng ating isipan.

Hindi ba ito ay isang paraan ng pagsupil sa karapatan ng mamamayan? Ganito na ba talaga ang gobyerno? Kinukuha ang tao sa pamamagitan ng pananakot?

Maisip sana nitong mga mambabatas na maling-mali ang kanilang mga pinaggagagawa sa panahong kailangan nila ang simpatya ng taumbayan. Baka magsisi sila na sa darating na eleksyon ay hindi isulat ng mga tao ang kanilang pangalan sa mga balota.

Ang dapat nilang gawin ay suyuin ang vloggers na nagpapakalat ng mga balitang laban sa pamahalaan upang hindi naapektuhan ang kanilang kandidatura sa halalan.

Sila rin, alam naman natin na ang mga Pilipino ay mahilig makisimpatya sa mga underdog. Mas lalong hinihiya nila sa pagdinig, mas lalong nakakakuha ng awa sa mga taong nakasubaybay at nanonood ng pagdinig.