
ANO ba ang dapat gawin sa mga nangre-reyp na, pumapatay pa ng kanilang mga biktima?
Nagtatanong tayo, mga brad, dahil sa nakatatakot nang sunod-sunod na pangre-reyp at pagpatay sa mga babae, karamihan mga bata.
Isa sa pinakahuling biktima ang 13 anyos na makaraang pagpasasaan ay pinatay pa saka inilibing sa altar ng isang simbahan sa Baybay, Leyte.
Naaresto naman ang 37 anyos na suspek nina Baybay City Police Station chief P/Lt. Col. Nerro Hobrero at Mondragon Municipal Police Station acting chief P/Maj. Al- Shamir Hamin.
Nauna rito, pinatay rin si Slovakia national Michaela Mickova, 23 anyos at naaagnas na ang bangkay nito nang matagpuan sa loob ng abandonadong kapilya sa Boracay.
May nahuli na rin ng Malay, Aklan police na suspek at umamin siyang kasama niya ng 2 iba pang gumahasa at pumatay sa biktima.
Dinukot, pinagsusuntok, ni-rape, pinatay saka itinapon sa balon naman ang 7 anyos na paslit sa Butuan City.
Nahuli naman nina Butuan City Police Office Station 4 Chief, Captain Dennis Bon ang suspek na isang security guard.
Ginahasa at pinatay rin ang 10 taong gulang na bata sa Brgy. Tanawan, Lupi, Camarines Sur.
Naaresto naman nina Lupi P/Capt. Abraham Cortez Jr. ang suspek.
Itong mga demonyong suspek sa mga kaso sa Boracay at Butuan, natagpuang mga adik at inaalam pa kung adik din ang mga hayop sa dalawang ibang kaso.
Isa sa mga kapansin-pansin ang pagiging masipag at tapat sa tungkulin ang mga pulis.
Kaya saludo po sa inyo, mga sir.
Pero hindi kuntento ang mga ina, ama, lola, at mga bata na nakakausap natin ukol sa pagkakadakip sa mga ito.
Nakagugulat na marinig natin sa kanila na dapat hindi pinakulong at pinalayas si ex-President Digong Duterte na pag-asa nila sa mabilis at tamang katarungan para sa mga biktima at laban sa mga adik na suspek.