Home METRO 640 kaso ng HFMD naitala sa Bulacan

640 kaso ng HFMD naitala sa Bulacan

Bulacan – Nasa 640 hinihinalang Hand Foot and Mouth Disease (HFMD) cases ang kabuuang naitala sa lalawigang ito sa unang buwan ng taon na umano’y mas mataas ng libong porsyento kumpara noong nakaraang taon.

Sa datos ng Provincial Health Office- Public Health (PHO-PH), naitala ang 640 kaso nitong January 1 hanggang February 22 ng taong kasalukuyan na mas mataas ng 1003% kumpara sa naitalang 58 kaso lamang noong nakaraan taon sa kaparehong petsa.

Dahil dito, agad nagsagawa ng hakbang ang PHO-PH para hindi na kumalat pa ang HFMD na pawang mga batang Bulakenyo ang apektado ng sakit.

Nabatid na namahagi na rin ang kinauukulan ng medical supplies sa health centers kabilang ang antiviral treatments, pain relievers and fluids at training sessions sa health workers para sa HFMD case management and early detection.

“Patuloy po ang Pamahalaang Panlalawigan sa paggawa ng mga hakbang upang pangalagaan ang kalusugan ng mga Bulakenyo. Sa tulong ng ating health workers, mga lokal na Pamahalaan at mga miyembro ng komunidad, patuloy tayong magpapatupad ng mga hakbang para mapigilan ang sakit na ito, ayon naman kay Governor Daniel Fernando.

Sinasabing mas pinalakas ngayon ng kinauukulan ang pagpapakalat ng kaukulang impormasyon sa Bulakenyo tungkol sa mga sintomas, wastong kalinisan at mga dapat gawin para makaiwas sa naturang sakit. Dick Mirasol III