Ipinahayag ni Pangasinan Governor Ramon Guico III na mas paiigtingin pa ng kanyang administrasyon ang produksyon ng asin sa lalawigan upang mas maraming sektor ang makinabang at upang maisulong ang turismo sa pamamagitan ng salt industry.
Sa kanyang State of the Province Address (SOPA) na ginanap sa Lingayen, Pangasinan, sinabi ni Gov. Guico III na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mas mapalakas ang industriya ng asin sa rehiyon.
“Gagamitin natin ang salt farm bilang tourist attraction,” pahayag ng gobernador, kasabay ng pagsabing layunin nito na mas pasiglahin pa ang turismo ng lalawigan.
Ayon pa kay Guico, mayroong dalawang milyong salt fertilizer sa salt farms ng lalawigan na ginagamit bilang pataba ng mga lokal na magsasaka para sa kanilang mga pananim.
Dagdag niya, ang salt industry ay nagbibigay ng malaking oportunidad sa kabuhayan ng mga taga-Pangasinan, na ngayo’y mas maraming mamamayan ang may pinagkakakitaan upang masuportahan ang kanilang pamilya.
“Ang asin industry kasi ay solar zone at nakadepende sa weather ang industriya nito,” paliwanag pa ni Guico.
Matatandaang una nang tiniyak ng gobernador ang kanyang pagsunod sa prinsipyo ng transparency, accountability, at good governance para sa kapakanan ng 3.2 milyong mamamayan ng Pangasinan. RNT