MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ng Office of the Ombudsman si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil dahil sa kasong gross neglect of duty kaugnay sa sinalakay na Philippine offshore gaming operator na Lucky South 99 sa kanyang lugar.
Bukod sa pagkakatanggal sa pwesto, hindi na rin maaaring tumakbo sa anumang pwesto sa gobyerno si Capil at binawi rin ang kanyang retirement benefits.
Si Capil ay una nang sinuspinde sa tungkulin dahil sa reklamong katiwalian laban sa kanya at iba pang lokal na opisyal.
Sinabi ng Ombudsman na hinayaan ni Capil ang ilegal na operasyon ng Lucky South 99 sa kabila ng mga ulat hinggil sa ilegal na aktibidad ng Lucky South 99 at ang rekomendasyon na huwag na i-renew ang business permit nito.
Ayon sa Ombudsman, patuloy na pinagkakalooban ng kanyang tanggapan ang Lucky South 99 ng Mayor’s Business Permit para mag-operate bilang POGO sa Porac, Pampanga sa mga taong 2021, 2022, at 2023 kahit hindi ito sumunod sa mandatory regulatory requirements para mabigyan ng permit.
“Capil cannot validly take refuge in the POGO License granted by the PAGCOR in favor of Lucky South 99 since the issuance of a Mayor’s Business Permit by an LGU is a separate and distinct source of authority to operate a business within the territorial boundaries of a certain LGU.”
Taong 2024 nang kasuhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang reklamong graft laban kay Capil at iba pa. Teresa Tavares