Home TOP STORIES Kaligtasan ng manggagagawa sa sakuna, siguruhin -TRABAHO Partylist

Kaligtasan ng manggagagawa sa sakuna, siguruhin -TRABAHO Partylist

Matapos ang mapaminsalang lindol na may lakas na 7.7 magnitude na yumanig sa gitnang Myanmar at kalapit na Thailand noong Marso 28, 2025, nanawagan ang TRABAHO Partylist ng agarang aksyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangaggawa.

Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, napakaimportante ng mahigpit na pagpapatupad ng Building Code pati na rin ang pagpapatupad ng workplace safety protocol.

Binigyang-diin ni Espiritu ang kahalagahan ng maagap na paghahanda laban sa panganib na dulot ng lindol, lalo na’t ang Pilipinas ay isang bansang madalas maaaring makaranas ng mga malalakas na pagyanig.

Sa pinakahuling pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lumabas na mahigit 21,000 pampublikong gusali ang sinuri upang matiyak ang kanilang tibay sakaling tumama ang isang 7.2-magnitude na lindol, na tinaguriang “The Big One.” Marami sa mga gusaling ito ang nangangailangan ng retrofitting upang umabot sa pandaigdigang pamantayan sa lindol ayon sa DPWH.

Bilang tugon, isinusulong ng TRABAHO Partylist ang isang masusing plano upang mapabuti ang workplace safety, kabilang ang mahigpit na pagpapatupad ng Building Code, regular na pagsasagawa ng safety drills, komprehensibong risk assessment, at pagsasanay sa mga empleyado ukol sa disaster response at first aid upang mas maging handa sila sa oras ng sakuna.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng TRABAHO Partylist na maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga manggagawa sa harap ng mga natural na sakuna. RNT