Inendorso ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian si Deputy Speaker Camille Villar sa kanyang pagtakbo sa Senado sa naging pagbisita nito sa lungsod.
Pinuri ni Gatchalian ang dedikasyon ni Villar sa serbisyo publiko at binigyang-diin na hindi hadlang ang edad sa paninilbihan, lalo na’t nakita na ang malasakit ng mga Villar sa bayan.
“Hindi hadlang ang edad para makapagsilbi. Ang mahalaga ay may puso sa serbisyo. At nakita natin iyan sa mga Villar,” ani Gatchalian.
Sa harap ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, binigyang-halaga ni Villar ang edukasyon at hinikayat ang kabataan na makibahagi sa pagtugon sa mga hamon ng bansa.
“Panahon na para ang kabataan ay gumanap ng mas malaking papel sa pamahalaan. Lahat tayo—bata man o matanda—ay may papel sa pag-unlad ng bayan,” ani Villar.
Aniya pa, sa kabila ng mga pagsubok, dapat manatiling matatag at huwag hayaan na ang edad ang pumigil sa pag-abot ng mga pangarap. RNT