Home HOME BANNER STORY Beteranong mamamahayag at dating alkalde, pinagbabaril-patay sa bahay

Beteranong mamamahayag at dating alkalde, pinagbabaril-patay sa bahay

MANILA, Philippines –  Pinagbabaril-patay si beteranong mamamahayag at dating alkalde ng Kalibo na si Juan P. Dayang, 89, sa kanyang tahanan sa Casa Dayang, Villa Salvacion, Kalibo, Aklan bandang alas-8 ng gabi noong Abril 29, 2025.

Ayon sa ulat, nanonood ang biktima ng telebisyon nang barilin ng lalaking naka-bonnet mula sa labas ng kanyang tirahan.

Tinamaan si Dayang sa leeg at likod, at idineklarang dead on arrival sa Dr. Rafael S. Tumbocon Memorial Hospital.

Itinuturing si Dayang na haligi ng pamamahayag sa bansa.

Mahigit dalawang dekada siyang naging pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) at namuno sa iba’t ibang organisasyon ng mamamahayag. Nagsilbi rin siyang alkalde ng Kalibo noong administrasyon ni Pangulong Cory Aquino.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, at kasalukuyang sinusuri ang CCTV. Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo. Wala pang malinaw na motibo.

Mariing kinondena ni PAPI President Nelson S. Santos ang pamamaslang.

“We strongly condemn this killing, and we are calling for justice. HINDI niya deserved ang cruel and senseless end.”

Hinimok din niya ang Presidential Task Force on Media Security na kumilos agad para mahuli ang mga responsable. RNT