Home NATIONWIDE Bulkang Bulusan sumabog na naman

Bulkang Bulusan sumabog na naman

MANILA, Philippines – Pumutok muli ang Bulkang Bulusan noong Martes ng gabi, Abril 29, bandang 7:43 PM.

Ayon sa PHIVOLCS, tumagal ng 77 minuto ang phreatic eruption.

Bagamat natakpan ng ulap ang pluma, umabot ang abo sa ilang barangay sa Sorsogon, kabilang ang mga bayan ng Irosin, Juban, at Bulan.

Umabot sa isang sentimetro ang kapal ng abo sa ilang lugar, at nakarinig ng ugong ang ilang residente.

Naitala rin ang 54 volcanic earthquakes at 548 toneladang sulfur dioxide—mas mataas kaysa karaniwang lebel.

Nanatili sa Alert Level 1 ang bulkan, na nangangahulugang mababang antas ng pag-aalboroto, ngunit may babala sa posibilidad ng kasunod na pagsabog.

Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone, at pinag-iingat ang mga nasa loob ng 2-kilometrong Extended Danger Zone.

Pinapayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask laban sa abo, lalo na ang matatanda, buntis, may sakit sa baga, at mga sanggol. Pinag-iingat din ang mga nakatira malapit sa ilog sa posibleng lahar kung uulan.

Pinayuhan ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib ng volcanic ash. Santi Celario