
NALANTAD sa mundo nitong weekend ang propaganda machine ng China sa pamamagitan ng matalinong ‘side comment’ ni National Defense Secretary Gilbert Teodoro. Karapat-dapat lang itong palakpakan sa Shangri-La Dialogue sa Singapore.
Inakala ng China na sa pagpapadala nito ng mga koronel ng People’s Liberation Army para maglatag ng mga mapanlinlang na pahayag na, gaya ng dati, ay pinalalabas na diplomatiko, ay magbibida sa mga pandaigdigang balita ang pagpapakalat nila ng mga maling impormasyon. Sa halip, binutata ni Teodoro — sa paraang matalino at kalmado — ang kanilang naratibo at buo ang paninindigang sinita ang Chinese Communist Party sa pambabaligtad nito sa mga aktwal na nangyari.
Ito pa naman ang pinakaayaw ng China sa lahat: ang pagpapamalas ng katalinuhan na hindi uubrang mamanipula upang maigiit nila ang kanilang mali at mapanlinlang na propaganda na gusto nilang paniwalaan ng buong mundo.
Bago lumisan, binatikos ng isang unipormadong opisyal si Teodoro sa hindi umano pagsagot sa kanilang katanungan. Pero diretsahan na tayo: hindi “umiwas” si Teodoro sa mga tanong. Dinurog niya sila, tinuligsa ang propaganda bilang propaganda at ibinuking ang ginagawang gaslighting ng China.
Ang pahayag niya tungkol sa pagtatakip ng China sa katotohanan, kahit sa mismong mamamayan nito, pangangamkam ng teritoryo, at lantarang “deficit in trust” base sa pananaw ng mga karatig-bansa, ang mga totoong nabalita na kailanman ay hindi kikilalanin ng CCP.
Dahil dito, kinakailangan pang ipaalala ni Teodoro sa mundo ang pagkakakilala sa China bilang Big Asian Neighbor na gumagamit ng water cannon sa mga barko ng Pilipinas, nagtayo ng mga military installation sa mga bahura, at nananadyang banggain ang mga bangka habang ipinagpipilitan ang nine-dash line na matagal nang ibinasura ng pandaigdigang batas.
Habang naglalakad paalis sa venue, nagpakalat ang CCP ng mga kasabwat nito para magpanggap na mga reporter na siyang magsisipagbato ng mga mala-pain na katanungan, kumpiyansang mababawian nila si Teodoro. Pero mali ang tinarget nila. Pinrangka sila ni Gibo ng katotohanan nang sabihing alam niya kung sino sila. “Hello MSS agents,” aniya.
Ganito rin ang ginawa nila kay Philippine Chief of Staff Romeo Brawner, sinuway ang protocol nang sundan nila, at iniulat kinabukasan: “Philippine military chief dodges questions.” Sapat na patunay na ang mga iyon na totoo ngang mga tauhan sila ng Ministry of State Security na ipinakalat sa komperensya.
Sa totoo lang, kung mayroon man sa Shangri-La Dialogue na umiwas sa mga pag-uusisa at kumprontasyon, iyon ay hindi sinoman kina Brawner o Teodoro. Iyon ay ang China at ang liderato nitong komunista — nagtago sa likod ng mga koronel sa halip na magpadala ng maipantatapat nilang pinuno ng depensa, gaya ng mga naroong nagsipagdalo.
Pupwede pa nga iyong bansagan ng iba bilang kaduwagan na itinago sa pagiging kunwaring arogante. Bakit hindi na lang sila nagpadala ng ministro, gaya ng ginawa ng ibang mga bansa? Masyado bang bahag ang buntot ng Beijing para harapin ang defense chief ng isang maliit na bansa sa Pasipiko? Sa huli, malinaw ang naihatid na mensahe: Hindi patitinag ang Pilipinas.
Si Teodoro ay larawan ng katalinuhan, ng tapang, at ng prinsipyong bumulaga sa mundo. Gaya nga ng sinabi niya: “None have agreed with China, and none has condemned the Philippines for standing up against China in the face of a threat to its territorial integrity and sovereignty.”
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.