
MULING iginiit ni Department of Education (DEPED) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na ang mga local government units (LGUs) na may kapangyarihang na mag-anunsyo ng kanselasyon ng klase batay sa aktuwal na lagay ng panahon sa kanilang nasasakupan, simula ngayong academic school year 2025-2026.
Ipinaliwanag ng kalihim na binago na ng DEPED ang dating patakaran kung saan awtomatikong kinakansela ang mga klase base sa signal warning na inilalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Dati-rati, panay-panay ang pagkakansela ng klase sa iba’t ibang antas ng pag-aaral hindi dahil sa lakas ng hangin o ulan kundi dahil sa bahang idinudulot nito sa mga lansangan.
Awtomatikong walang pasok ang mga batang nasa kindergarten kung nag-anunsyo ang PAGASA na nasa ilalim ng Signal No.
1. Dahil sa anunsyo, mayroong din nagre-react dahil maganda naman ang panahon sa kanilang lugar, imbes na nasa eskwelahan nag-aaral, nasa bahay lang naglalaro.
Ang magandang balita! Binago na ng DEPED ngayon ang pagkansela ng klase. Nakadepende na ito sa aktuwal na kalagayan ng panahon sa bawat lungsod o bayan.
Hiniling din ng ilang paaralan, lalo na ang mga pribado, na bigyan sila ng mas malaking kalayaan sa pagpapasya.
Ang pagbabagong ito sa polisiya ay layong maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa pagkatuto ng mga estudyante, lalo na sa mga lugar na hindi gaanong apektado ng sama ng panahon.
Kaugnay nito, pinuri ni Secretary Angara ang naging desisyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na ibalik ang pagbubukas ng klase sa buwan ng June, mas malapit sa pagtatapos ng tag-init.
Sa kabila ng mga hamon tulad ng tumitinding init, pagbaha, at kakulangan sa silid-aralan, tiniyak ni Angara na mananatiling pangunahing prayoridad ng DEPED ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ang pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sa datos ng kagawaran, mahigit 27 milyon na mag-aaral ang nagbalik sa mga paaralan sa buong bansa nitong Hunyo 16, 2025.