Home METRO Kelot tinarakan sa mukha sa biro sa motor

Kelot tinarakan sa mukha sa biro sa motor

RODRIGUEZ, RIZAL — Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos masaksak sa mukha ang isang 22-anyos na biktima gamit ang balisong sa Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal noong Linggo ng madaling araw.

Nag-ugat ang insidente nang marinig ng biktima ang biro ng suspek at mga kasamahan nito tungkol sa pagsunog ng motorsiklo. Nauwi ito sa komprontasyon at suntukan.

Nang matalo sa suntukan, pumasok ang suspek sa kanilang bahay at bumalik na may dalang balisong. Sinubukan niyang saksakin ang biktima ngunit sa halip ay nasugatan nito ang kaliwang bahagi ng mukha ng biktima.

Agad naaresto ang suspek ilang oras matapos ang insidente at narekober din ng pulisya ang ginamit na patalim.

Samantala, iginiit ng suspek na hindi siya ang gumawa ng biro na nagpasimula ng gulo at sinabing sinubukan lamang niyang umawat ngunit nauwi ito sa pananaksak dahil sa galit.

Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Rodriguez Custodial Municipal Police Station. RNT