MANILA, Philippines — Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang lahat ng kasalukuyang undersecretary, assistant secretary, at direktor na magsumite ng kanilang courtesy resignation bago o hanggang Pebrero 26, 2025, kasunod ng kanyang pag-upo bilang bagong pinuno ng ahensya.
Sa isang memorandum na may petsang Pebrero 24, sinabi ni Dizon na layunin ng direktibang ito na bigyan siya ng “malayang kamay upang maisakatuparan ang mandatong ibinigay sa kanya ng Pangulo.”
Itinalaga si Dizon bilang kalihim ng DOTr nitong buwan matapos magbitiw sa pwesto si dating Secretary Jaime Bautista dahil sa kadahilanang pangkalusugan. Bago ang kanyang paghirang, nagsilbi si Dizon bilang pangulo ng Bases and Conversion Development Authority (BCDA) at gumanap din ng mahalagang papel sa administrasyong Duterte bilang deputy chief implementer ng National Task Force Against COVID-19.
Isa sa unang kautusan ni Dizon ay ang pagsuspinde sa muling pagpapatupad ng cashless toll collection sa lahat ng expressway na nakatakda sanang ipatupad sa Marso 15, habang isinasailalim pa sa masusing pagsusuri ang kahusayan ng sistemang ito.
Ang hakbang na ito ay senyales ng pagbabago at posibleng pag-amyenda ng mga patakaran sa ilalim ng pamumuno ni Dizon. RNT