MANILA, Philippines – Nais ni Senador Joel Villanueva na i-institutionalize ang pagbibigay ng visa para sa mga digital nomad – mga taong naglalakbay habang nagtatrabaho nang malayuan gamit ang digital na teknolohiya – sa pagsisikap na mapalakas ang turismo ng bansa.
Sabi ni Villanueva, ang kanyang nakaraang biyahe sa ilang tourist destination ng bansa at kamakailan sa Siargao island, ang nagtulak sa kanya na ihain ang Senate Bill No. 2991 na naglalayong isulong ang bagong uri ng visa kung saan papayagan ang dayuhan na manatili sa bansa ng mahabang panahon habang nagtatrabaho para sa isang foreign-based employer o business.
Ayon sa World Economic Forum at batay sa Nomad List, ang Pilipinas ay ang pampito sa fastest growing remote work hub noong 2023.
Iniulat ng Department of Tourism na nadagdagan ng 9.15% ang mga dayuhang bumisita sa bansa noong 2024, katumbas ng 5.95 milyong foreign tourist, na nakapagdala ng record-high na P760.5 bilyong tourism revenues.
“From our pristine beaches, green mountain ranges to our city’s vibrant urban hubs, each location in the Philippines provides unique advantages for remote workers,” sabi ni Villanueva.
Sa naturang panukalang batas, magkakaroon ng isang bagong visa category para sa mga digital nomad na may isang taong visa at puwedeng ma-renew ng isa pang taon.
Sa ilalim ng panukala, kailangan lamang ng aplikante na magbigay ng ‘proof of sufficient income’ na nakuha nito sa labas ng bansa, valid health insurance, walang criminal record sa kanyang bansa at hindi magiging banta sa Pilipinas, bukod sa ibang mga requirements na ordinaryong hinihingi.
Umaasa si Villanueva na sa pamamagitan nito, marami pang mga digital nomad ang mahihikayat na gawing hub ang Pilipinas. Sa kasalukuyan, mahigit 50 bansa ang nag-aalok na ganitong uri ng visa.
“Digital nomads spend money and therefore, would benefit the economy. The Philippines is a promising destination for those who embrace nomadic lifestyle and leverage technology to work remotely from outside their home country,” ani Villanueva.
“While they are not allowed to take local jobs, they can share their knowledge and best practices to the local communities,” dagdag pa niya.
Ang pagbisita ni Villanueva sa Siargao Island ay bahagi ng kanyang biyahe sa Surigao del Norte para sa konsultasyon sa mga lokal na lider doon.
Pinangunahan din niya ang pagbibigay ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD para sa 2,000 benepisaryo sa bayan ng Del Carmen, San Benito, Pilar, Dapa, at General Luna.
Habang nasa Siargao, nakipag-ugnayan din si Villanueva kay bagong Transportation Secretary Vince Dizon para i-upgrade ang mga pasilidad sa Sayak Airport, ang pangunahing daanan ng mga turista na bumibisita sa isla.
“The digital nomad visa program should be more than a bureaucratic procedure. It should foster an environment that will genuinely welcome visitors to our shores and allow ‘workationing’ possible for an extended period,” sabi pa ni Villanueva. Ernie Reyes