Home METRO 4 patay, 12 sugatan sa Basilan ambush

4 patay, 12 sugatan sa Basilan ambush

MANILA, Philippines – Apat na katao, kabilang ang dalawang sundalo, ang nasawi habang 12 ang sugatan sa isang ambush sa Sumisip, Basilan noong Miyerkules, Enero 22.

Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng security operation ang 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Lower Cabengbeng para suportahan ang misyon ng United Nations Development Program (UNDP) sa mga proyektong pangkabuhayan.

Ayon kay Brigadier General Alvin Luzon ng 101st Infantry Brigade, nakaengkwentro ng mga sundalo ang grupo ng mga armadong kalalakihan na pinamumunuan nina Najal Buena at Oman Hajal Jalis, na kilalang sangkot sa mga karahasan sa lugar.

Kasama umano ng mga salarin ang ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sinunog din nila ang isang military vehicle.

Dalawang gunman ang nasawi, at nagpahayag ng pakikiramay ang Philippine Army sa mga naulila ng mga sundalong nasawi habang kinondena ang pagkakasangkot ng ilang miyembro ng MILF.

Hinikayat ni Brigadier General Luzon ang liderato ng MILF na aksyunan ang insidente at tiniyak sa publiko na ito ay isang hiwalay na kaso at nananatiling tahimik ang Basilan.

Kinondena rin nina Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. at ng Western Mindanao Command ang pag-atake, na sinabing layunin nitong sirain ang kapayapaang unti-unting naitatag sa Basilan. Nangako ang mga awtoridad na hahabulin ang mga salarin at magpapadala ng mga peace mechanism upang mabawasan ang tensyon at masiyasat nang maayos ang insidente. RNT