MANILA, Philippines – Naghihintay na lamang ang Bureau of Immigration sa Philippine National Police para makuha ang kustodiya ng 69 dayuhan na inaresto sa umano’y scam hub sa Maynila.
Sinabi ng BI na inanunsyo ng PNP ang pagkakaaresto sa mga ito, ngunit “at this time, however, the Bureau of Immigration has not yet received official custody of these individuals.”
Noong Martes ay naaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang 69 indibidwal sa isang raid sa scam hub sa Malate, Manila na tumatarget sa iba pang mga dayuhan na mag-invest sa cryptocurrency scam.
“Following established procedures and protocols, the BI awaits the necessary documentation from the PNP to initiate the formal turnover process, as has been previously communicated,” saad sa pahayag ng ahensya.
Kabilang sa mga impormasyon na kailangang idokumento ng PNP ay ang pagkakakilanlan ng mga suspek at affidavits of arrest.
Sinabi ng BI na maaari nilang i-refer ang mga dayuhang biktima ng human trafficking sa Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking sa oras na matapos na ang official turnover ng kustodiya.
Matatandaan na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo ang pagbabawal sa mga Philippine Offshore Gaming Operators, na karamihan ay nagagamit sa cryptocurrency at investment scams. RNT/JGC