MANILA, Philippines – Nakatakdang ilipat ang mahigit 4,000 labi ng mga nakalibing sa Humay-Humay Catholic Cemetery sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ito ay para magbigay-daan sa gagawing konstruksyon sa lugar ng mga apartment-style tombs.
Ang naturang sementeryo ang maituturing na pinakamalaking sementeryo sa Lapu-Lapu City pagdating sa dami ng mga nakalibing na lampas 7,000 na.
Sa kabila nito, karamihan sa mga nitso ay ang tradisyonal na stand-alone structures na kumukuha ng malalaking espasyo ng sementeryo.
Dahil dito, sinabi ni Jessie Molejon, nangangasiwa sa sementeryo, na nagiging ‘crowded’ na ito kung kaya’t nais nilang magpatayo ng apartment-style tombs.
Kasabay ng paggunita ng Undas, naglagay ng tarpaulin ang pamunuan ng sementeryo ng listahan ng mga pangalan ng mga yumao na nakalibing sa lugar sa loob ng tatlong taon para malaman ng pamilya ng mga ito ang prosesos ng paglilipat. RNT/JGC