Home NATIONWIDE Epekto ng lumaking cement importation, bubusisiin ng DTI

Epekto ng lumaking cement importation, bubusisiin ng DTI

MANILA, Philippines – Maglulunsad ng imbestigasyon ang Department of Trade and Industry (DTI) upang alamin kung may matinding epekto ba sa domestic industry ang lumalaking pag-aangkat ng mga semento.

Sa abiso na inilabas nitong Oktubre 28, sinabi ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque na ito ay bilang tugon sa Section 6 ng Republic Act No. 8800 o Safeguard Measures Act kung saan maaaring maglunsad ng imbestigasyon ang DTI Secretary kung may ebidensya ng tumataas na import ng mga produkto at kung may banta ba ito sa lokal na sector ng naturang produkto.

Sakop ng preliminary investigation ang importation ng semento mula 2019 hanggang 2024.

Ito ay kasunod ng ebidensyang nakita ng DTI na umabot ng 51% ang cement imports noong Hunyo 2024.

Dagdag pa, bumaba rin sa P64 bilyon ang kita ng domestic cement industry noong 2023 mula sa P79 bilyon noong 2019.

Nakita rin ang pagbaba ng share ng domestic cement mula 78% noong 2019 sa 68% noong 2023, at 66% mula Enero hanggang Hunyo 2024.

May pagbaba ng operating profit sa local cement sector noong 2022 ng 69% at mas bumaba pa sa 137% sa operating loss noong 2023.

Sa abiso ni Roque, sinabi nito na ang “increase in the volume of imported cement preceded the serious injury to the industry in 2023” at “the conditions of competition show that the market share of locally produced cement was essentially displaced during the POI (period of investigation) as the share of imports in the domestic market significantly increased.”

Dahil dito ay nanawagan ang DTI chief sa mga stakeholder na magpasa ng kanilang mga komento at posisyon kaugnay sa naturang isyu. RNT/JGC