Home NATIONWIDE 6M dosis ng pentavalent vax darating sa Hulyo

6M dosis ng pentavalent vax darating sa Hulyo

MANILA, Philippines- Inaasahang darating sa bansa sa Hulyo ang anim na milyong dosis ng pentavalent vaccine na magbibigay proteksyon laban sa pertussis at iba pang sakit, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang 5-in-1 vaccine ay ibibigay sa mga bata sa gitna ng pagtaas ng kaso ng “whooping cough” sa bansa.

Bukod sa pertussis, ang pentavalent vaccine ay magbibigay din ng proteksyon mula sa diphtheria, tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B.

Una nang inanunsyo ni Herbosa  na magkakaroon ng kakulangan sa pertussis vaccines sa Mayo dahil bumababa na ang stock ng pambansang gobyerno na nasa 64,400 dosis na lamang noong Marso 25.

Upang matugunan ito, ang DOH ay naghahangad na makuha ang mas lumang uri ng bakuna na tinatawag na DPT, na mapoprotektahan lamang laban sa diphteria, tetanus at pertussis.

Gayunman, binanggit ng kalihim na ang certificate of product registration ng DPT vaccine ay expired na at kinakailangan itong mairehistro muli sa Food and Drug Administration (FDA).

Hinihintay din ang pagdating ng karagdagang tatlong milyong dosis ng DPT vaccine.

Sinabi rin ni Herbosa na hindi rin kailangang mag-alala ang publiko kung may kakulangan sa bakuna dahil ang pertussis ay isang bacterial infection at maaring gamutin ng antibiotic.

Lumabas sa pinakahuling datos ng DOH na may kabuuang 1,112 na kaso ang naitala sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Marso 30, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden