Home NATIONWIDE PNP maghihigpit vs ilegal na paggamit ng wang-wang

PNP maghihigpit vs ilegal na paggamit ng wang-wang

MANILA, Philippines- Iginiit ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na maghihigpit ito sa pagpapatupad ng mga alituntunin at regulasyon ukol sa paggamit ng sirens, blinkers, at iba pang katulad na device, matapos ipagbawal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr. ang paggamit nito sa government officials at personnel.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na bago pa ilabas ang Executive Order 18 ni Marcos, pinaiiral na ng mga awtoridad ang Presidential Decree 96.

“We will be more strict in the enforcement po nitong Presidential Decree 96,” giit ni Fajardo.

“But like I said, even prior to the issuance po ng Executive Order 18, the Highway Patrol Group has been enforcing the provision ng PD 96,” dagdag niya.

Ginagawang ilegal ng PD 96, inilabas noong 1973, ang pagkakabit ng mga pribadong sasakyan ng blinkers, sirens at iba pang kaugnay na device.

Ani Fajardo, makikipag-ugnayan ang PNP sa iba pang government agencies tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at local government units sa National Capital Region upang ipatupad ang pinakabagong kautusan ni Marcos.

“Wala po tayong sisinuhin sa pag-implement at pag-enforce po PD 96 regardless kung ano po ang estado nila sa buhay,” ani Fajardo. RNT/SA