Home OPINION 960 BETERANO NA LAMANG ANG NALALABI – PVAO

960 BETERANO NA LAMANG ANG NALALABI – PVAO

Nitong nagdaang Martes, April 9, 2024 ay ginugunita natin ang “Araw ng Kagitingan” o ang pagbagsak ng pu­wersa ng mga Amerikano at Filipino sa Bataan at sa Corregidor sa kamay ng Japanese Imperial Forces sa kasagsagan ng World War II noong 1942.
Nasundan ito ng pamosong Death March o ang paglalakad ng tinatayang nasa 78,000 na mga sundalong Filipino at mga Amerikano.

Sa pagod, uhaw, gutom, pagkakasakit, at pananakit sa mga prisoners of war ay nasa 5,500 hanggang 18,650 ang namatay.

Hindi makuha ang eksaktong bilang dahil ang mga binabayoneta o binabaril na mga sundalo ay iniiwan na lamang sa daan.

Isa ito sa war crimes na pinagbaya­ran ng Japan matapos ang digmaan, at atin na lamang inalala ang 82nd taon ng kabayanihan ng nagsamang sunda­long Filipino at mga Amerikano.

Ipinapaalam ng PVAO o Philippine Veterans Affairs Office na sa halos kalahating milyong mga beteranong Filipino na nakipaglaban noong World War ay nasa 960 na lamang ang nalalabing buhay sa kanila. Ang mga buhay pang beterano ay buwanang tumatanggap ng pensyon, medical and educational benefits para sa kanilang mga apo.

Noong administrasyon ni dating Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte ay ginawa niyang Php20,000 ang buwanang pensyon mula sa dating Php5,000 lamang.

Bagama’t nasa 500,000 ang isinumiteng pangalan ng mga beterano, nasa 260,000 lamang ang kinilala ng United States na kanilang pinagkalooban ng congressional gold medal bilang pag­ki­lala.

Ayon sa PVAO, maraming mga bete­rano na ang namatay na hindi napaki­nabangan ang benepisyong nakapaloob sa American Recovery and Reinvestment Act of 2009 na nagbibigay ng ha­­lagang US$15,000 sa mga beteranong na­ging US citizens at US$9,000 sa mga hindi. Hanggang sa kasalukuyan, nasa 18,000 claims lamang ang na-proseso dahil sa kakulangan ng mga dokumentasyon lalo pa’t naganap ang recruitment sa kasagsagan ng giyera at sa ka­ramihan ng records ay nasira na.

Sa kanyang mensahe kaugnay sa paggunita sa “Araw ng Kagitingan” nitong April 9, 2024 ay sinabi ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na pinag-aaralan ng kanyang administrasyon ang mga benepisyong tinatanggap ng mga beterano.