MANILA, Philippines – Patay ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos tangayin ng baha sa isang creek sa Barangay North Signal Village, Taguig habang kinukuha ang kanyang tsinelas.
Naiulat na nawawala ang bata noong gabi ng Hulyo 27, kaya nagsagawa ng magdamagang search operation ang Taguig Police, Philippine Coast Guard, Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga opisyal ng barangay.
Natagpuan ang bangkay ng Grade 3 pupil kinaumagahan sa Barangay Ususan.
Ayon sa kanyang ina, lumabas ang bata bandang 8:30 p.m. upang maligo sa ulan kasama ang mga kaibigan. Tumalon umano siya sa creek para kunin ang kanyang tsinelas na inanod ng baha.
Sinubukan siyang sagipin ng isang saksi na si Mark, isang empleyado ng city hall at residente ng North Signal, ngunit hindi nito kinaya ang malakas na agos ng tubig.
Kalaunan ay narekober ng mga search and retrieval team ang katawan ng bata. RNT/MDS