Home HOME BANNER STORY 7 bangkay narekober na matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa Cebu

7 bangkay narekober na matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa Cebu

(c) The Freeman

CEBU CITY – Nakuha na ang lahat ng bangkay ng pitong indibidwal na tinangay ng rumaragasang ilog at nauna nang naiulat na nawawala sa bayan ng Carmen, hilagang Cebu ang kanilang pickup truck.

Naputol ang search and retrieval operation nang ma-recover ang bangkay ng 15-anyos na si Mike Stanley Tungal dakong 12:10 p.m. nitong Miyerkules, July 10, ani Carmen Mayor Carlo Villamor.

Ang iba pang nasawi ay kinilalang sina Arshane Bejoc, 11; Aishie Hermoso,12; Rhesamie Costan, 25; Nathaniel Lozano, 12; Elmer Costan, 25; at Clarrise Ypil, 13.

Si Bejoc ang unang na-recover ilang oras matapos ang trahedya, na nangyari bandang 5:45 p.m. noong Lunes, Hulyo 8. Narekober ang bangkay ng lima pang biktima noong Martes, Hulyo 9.

Sampung iba pang tao ang sakay din ng pickup truck pero nakaligtas ang mga ito matapos na masagip.

Galing ang grupo sa isang mountain resort kung saan nagkaroon sila ng party para ipagdiwang ang kasal nina Rhesamie at Elmer na ikinasal noong Sabado, July 6. Buntis si Rhesamie nang mamatay ito.

Pauwi na ang grupo nang umapaw ang isang ilog. Tinatangay ng malakas na agos ng tubig ang pickup truck hanggang sa maipit ang sasakyan sa gitna ng ilog. RNT