MANILA, Philippines – Pitong Chinese nationals ang naaresto sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 23 dahil sa umano’y paglabag sa ilang batas pangkalikasan, kabilang ang Philippine Mining Act, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Sabado, Hulyo 26.
Ayon sa DENR, nahuli ang mga Chinese sa Barangay Tuburan, Cagayan de Oro City sa isinagawang environmental law enforcement operation.
Nasabat sa operasyon ang mahigit ₱18.9 milyon halaga ng kagamitan gaya ng dalawang hydraulic excavator, isang separator, isang wheel loader, dalawang rolyo ng carpet o matting, dalawang set ng water pump, at isang sako ng washed sand.
Isinasapinal na ang kasong paglabag sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995; Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines; at PD 1067 o Water Code of the Philippines laban sa mga suspek na nasa kustodiya ngayon ng Misamis Oriental Maritime Police.
Ipinagkatiwala sa lokal na pamahalaan ng Barangay Tuburan ang mga nakumpiskang hydraulic excavator at wheel loader para sa safekeeping.
Ang iba pang ebidensiya ay hawak ng Misamis Oriental Maritime Police sa koordinasyon ng Mines and Geosciences Bureau Region 10.
Hinimok naman ni DENR-10 Executive Director Henry Adornado ang publiko na makiisa sa pagbabantay at pagprotekta sa kalikasan sa pamamagitan ng pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga komunidad.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine National Police Regional Maritime Unit, Misamis Oriental Maritime Police, Opol Municipal Police, PNP – Regional Mobile Force Battalion, at DENR-10 sa pamamagitan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Initao. RNT/JGC