MANILA, Philippines – Swak sa selda ang pitong katao nang maaktuhang naglalaro umano ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar at makuhanan pa ng ilegal na droga at tatlo sa kanila sa Valenzuela City.
Sa ulat ng tanggapan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police-Sub-Station 7 sa Avocado St., Brgy., Bagbaguin nang maaktuhan ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘caray y cruz’ dakong alas-11:21 ng Sabado ng gabi.
Dinampot ng mga pulis ang dalawa at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Jesi”, nasa hustong gulang.
Sa Brgy. Palasan, huli din sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 5 ang dalawang lalaki na naglalaro rin umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng Polo Public Cemetery sa Maligaya St., pasado alas-5:31 ng hapon. Nasamsam sa kanila ang perang taya, at pangara habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nakuha umano kay alyas “Edgar”, 60.
Dakong alas-2:45 naman ng Biyernes ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 3 ang tatlong indibidwal na nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Libra St., Brgy., Marulas. Nakuha sa kanila ang bet monet, pangara at isang plastic sachet ng sinasabing shabu na nasamsam umano kay alyas “Ronet”.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gamling Law) habang karagdagan na kasong paglabag R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ng tatlong nakuhanan ng droga. (Merly Duero)