Home NATIONWIDE 7 ‘Kanong manyakis ipinagbawal sa Pinas

7 ‘Kanong manyakis ipinagbawal sa Pinas

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa pitong Amerikano na may mga rekord ng convictions bilang mga sex offenders ang kanilang hinarang upang hindi makapasok ng bansa nitong nakaraang buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na anim sa mga pasahero ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang isa ay naharang sa Mactan airport sa Cebu.

“They were denied entry by our immigration officers upon discovering that they are among the thousands of registered sex offenders (RSOs) who are in our database,” ani Viado.

Aniya, ang mga nabanggit na dayuhan ay hinarang alinsunod sa isang probisyon sa immigration act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na nahatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

Ayon kay Ferdinand Tendenilla, BI border control and intelligence unit (BCIU) chief, lahat ng pitong Amerikano ay pinabalik sa kanilang pinanggalingan isang araw matapos silang maharang.

Sa rekord ng BI, naharang noong Enero 6 si Rodrigo Navarro, 30, na nahatulan noong 2014 para sa pagmamay-ari at pagkontrol ng mga malalaswang materyales na naglalarawan ng isang menor de edad sa sekswal na pag-uugali.

Si Wayne Mitchell Blakely, 56, ay hindi pinapasok noong Enero 14. Siya ay nahatulan sa US noong 2002 para sa sekswal na pangmomolestya kung saan ang biktima ay 15 taong gulang lamang.

Ang Amerikanong lalaki na si Raymund Campado Falguera, 33, ay hinarang noong Enero 14 matapos lumabas na hinatulan siya ng court martial noong 2014 dahil sa pang-aabusong sekswal sa isang menor de edad.

Noong Enero 15, si Robert William Harper, 69, ay pinabalik makaraang mahatulan ng kriminal na sekswal sa Wisconsin noong 1999.

Naharang naman sa paliparan ng Mactan-Cebu noong Enero 18 si David Scott Dennis, 60, na hinatulan noong 2000 para sa 5 counts ng child molestation sa 1st degree kung saan ang biktima ay 6 taong gulang pa lamang.

Sa parehong petsa, si Joseph Jerome Dumas, 71, ay naharang sa NAIA matapos ipaalam sa BI na siya ay nahatulan noong 2018 dahil sa pagkakaroon ng sexually abusing material na kinasasangkutan ng mga bata.

Binigyang-diin ng BI na ang mga pagbubukod na ito ay bahagi ng ShieldKids Program, isang inisyatiba na idinisenyo upang pangalagaan ang mga batang Pilipino mula sa pagsasamantala at pang-aabuso ng mga dayuhan.

Sa ilalim ng programa, ang BI ay nakikipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na ahensya ng pagpapatupad ng batas upang subaybayan at pigilan ang pagpasok ng mga nahatulang sex offenders at iba pang indibidwal na nagbabanta sa kaligtasan ng bata. Jay Reyes