HONGKONG – Kinasuhan noong Miyerkules ang pitong indibidwal at dalawang kumpanya kaugnay ng malaking sunog sa Hong Kong noong Nobyembre 2025 na ikinamatay ng 168 katao.
Naganap ang sunog noong Nobyembre 26 sa Wang Fuk Court apartment complex sa Tai Po district. Ito ang pinakamapaminsalang sunog sa lungsod sa nakalipas na ilang dekada at nagpalikas din ng libu-libong residente.
Ayon sa pamahalaan ng Hong Kong, nahaharap ang mga akusado sa 25 kaso kabilang ang manslaughter, conspiracy to defraud, money laundering, pagtatangkang baluktutin ang hustisya, at tax evasion.
Kabilang sa mga kinasuhan ang mga direktor ng dalawang kumpanyang sangkot sa renovation project ng Wang Fuk Court. Ang dalawang kumpanyang nahaharap sa kaso ay ang project consultancy firm at ang pangunahing contractor ng proyekto.
Ayon sa mga awtoridad, bumuo ang Hong Kong Police at ang Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng pinakamalaking joint investigation task force sa mga nakaraang taon upang imbestigahan ang sanhi ng sunog at posibleng korapsyon na may kaugnayan sa renovation project.
Sa ngayon, 35 katao na ang naaresto kaugnay ng imbestigasyon.
Nagsimula ang renovation ng gusali noong Hulyo 2024. Nang mangyari ang sunog, napapalibutan ang bawat tore ng bamboo scaffolding at construction mesh.
Ipinagpaliban ng korte ang pagdinig sa dalawang kaso hanggang Setyembre 2 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. RNT/MND