Home NATIONWIDE CHED naglunsad ng imbestigasyon sa pagkasawi ng 2 atleta ng Ateneo

CHED naglunsad ng imbestigasyon sa pagkasawi ng 2 atleta ng Ateneo

1
0

MANILA, Philippines – Naglunsad ang Commission on Higher Education (CHED) ng fact-finding review kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili habang nasa training camp sa Dipaculao, Aurora.

Ayon sa CHED, kinakailangan ang isang masusi, patas, at agarang imbestigasyon upang malaman ang lahat ng pangyayari na may kaugnayan sa pagkamatay ng dalawang estudyante.

Inatasan na ng CHED ang Ateneo na magsumite ng mga impormasyon at paliwanag upang matukoy ang mga nangyari at masuri kung nasunod ang umiiral na mga polisiya at pamantayan.

Noong Hunyo 9, nakipagpulong ang CHED-National Capital Region sa mga opisyal ng unibersidad at inatasan silang magsumite ng komprehensibong incident report.

Batay sa impormasyong ibinigay ng Ateneo Crisis Management Team, ang insidente ay nangyari sa isang off-season team-building at training camp na dinaluhan ng 24 student-athletes at pitong adult supervisors na binubuo ng mga coach at staff ng Ateneo Men’s Basketball Team.

Kasabay nito, nakikilahok din ang CHED sa Sports Stakeholders’ Panel na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) upang suriin ang mga polisiya at praktis kaugnay ng athletic training, team activities, at kapakanan ng mga student-athletes.

Tiniyak ng CHED na hindi dapat malagay sa panganib ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante. Ayon sa komisyon, pananagutin ang sinumang mapatutunayang may pagkukulang at magpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang kaparehong trahedya sa hinaharap.

Dagdag pa nito, walang institusyon, opisyal, o indibidwal na responsable sa kapakanan ng mga estudyante ang ligtas sa pananagutan kung mapapatunayang nagkulang sa kanilang tungkulin. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here