MANILA, Philippines – Pitong katao ang binulaga ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian habang nasa aktong nagpa-pot session nang sorpresang bisitahin nito ang Disiplina Village sa Brgy. Ugong kahapon.
Kinilala ni PCol Gerson S. Bisayas, hepe ng Valenzuela City Police Station (VCPS), ang mga naarestong suspek na pawang mga lalaki at residente ng Barangay Ugong, Valenzuela City maliban isang suspek na babae na nakatira sa Purok Cerily Aguilar, Pangasinan.
Sa ulat, dumalaw sa nasabing lugar ang alkalde upang personal na makita ang sitwasyon ng mga residente. Inasistehan ng kapulisan ng Valenzuela, partikular nina PCol Bisayas, Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Station Intelligence Section (SIS), at Patrol Base-8 (Barangay Ugong), kasama ang iba pang tauhan mula sa ilang departamento sa city hall ang pagbisita ni Mayor Wes sa lugar.
“Habang nag-iikot po si mayor, naaktuhan ng mga tao natin [SDEU] na nagpa-pot session ‘yung pito sa isang bahay, nasilip po sa pintuan,” pahayag ni PCpt Joan Dorado, hepe ng SDEU.
Narekober sa mga suspek ang dalawang plastik na pakete (sachet) ng hinihinalang shabu, dalawang plastik na pakete na may bakas ng hinihinalang shabu, dalawang piraso ng aluminum foil strip na may bakas ng hinihinalang shabu, dalawang piraso ng binilot na aluminum foil strip, disposable lighter, at 0.82 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,576.00.
“Nananawagan kami sa lahat na tumigil na sa paggamit ng droga at makipagtulungan sa kampanya laban sa bisyong ito para sa ligtas na komunidad,” paalala ni PCol Bisayas sa publiko.
Ang Disiplina Village ay proyektong pabahay ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela katuwang ang ilang pribadong sektor na itinayo noong 2009 para sa mga residenteng naging biktima ng bagyong ‘Ondoy’ at mga nakatira sa mga peligrosong lugar. Karaniwan itong binibisita ng alkalde ng lungsod.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (possession of dangerous drugs), Section 12 (possession of drug paraphernalia), at Section 15 (use of dangerous drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.