Home METRO P3.84-M puslit na yosi, nasabat sa pantalan

P3.84-M puslit na yosi, nasabat sa pantalan

211
0
Image Representation Only

MANILA, Philippines – Aabot sa P3.84 milyon ang nasabat na kahon-kahong ipinuslit na sigarilyo sa Lipata Port nitong Miyerkules.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), walang kaukulang dokumento ang 192 kahon ng sigarilyo na ikinarga sa isang dump truck.

Umaga ng Miyerkules nang magsagawa ng inspeksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tulong ng PPA Lipata Port Police, Philippine Coast Guard, at PNP Maritime matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang kahina-hinalang truck na papasok sa pantalan.

Tumambad sa mga awtoridad ang kahon-kahong sigarilyo na itinago sa ilalim ng trapal at mga ipa ng palay.

Ito ay idineklarang construction materials base sa paunang pahayag ng mga sakay ng truck.

Agad na inabisuhan ang Bureau of Customs (BOC) para sa imbestigasyon, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga nakumpiskang kontrabando.

Ang mga nahuling indibidwal ay dinala sa kustodiya ng PNP Maritime at sasampahan ng kaukulang kaso sa ilalim ng RA 8424, RA 10963, at RA 10643.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng mga sigarilyo at kung sino pa ang posibleng sangkot sa insidente.

(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here