MANILA, Philippines – Pito sa aabot sa 15 kabataan ang inireskyu ng Las Piñas City police makaraang magviral ang kuhang video sa Facebook ang paghahasik ng takot ng mga ito sa isang pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Zapote-Alabang Road kamakailan sa lungsod.
Ayon kay Las Piñas City police chief P/Col. Wilson Delos Santos, naganap ang insidente nitong nakaraang Sabado, Abril 2, sa harap ng Mormon Church sa Barangay Almanza Uno, Las Piñas City.
Sa naturang video ay makikita ang aabot sa 15 kabataan na pinasok ang isang pampasaherong jeep na ikinagulat ng mga pasahero sa loob nito kung saan ang isa sa mga kabataan ay may dala pang icepick.
Natigil lamang ang ginawang pananakot ng mga kabataan at nagsipagtakbuhan patungong Alabang, Muntinlupa matapos humingi ng responde sa pulisya ang guwardiya ng isang kalapit na mall.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga rumespondeng pulis ay sinabi ni Delos Santos na natunton ang pito sa mga kabataan na natutulog sa ilalim ng footbridge malapit sa lugar ng pinangyarihan ng insidente kung saan naireskyu ang mga ito.
Sa pitong kabataan ay apat dito ang mga kababaihan na umamin na kasama sila sa nagviral na video na sumampa sa isang pampasaherong jeep na naghasik ng takot sa mga pasherong nasa loob nito.
Sinabi ni Delos Santos na base sa isinagawang imbestigasyon, nagsimula ang komosyon matapos hindi payagan ng drayber na pasakayin ang mga kabataan sa kanyang minamanehong pampasaherong jeep.
Ang pitong inireskyung kabataan ay dinala sa Barangay Hall ng Almanza Uno at itinernober sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) na siya namang magre-refer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)– Las Piñas para sa maayos na interbensyon, pangangalaga at proteksyon ng mga ito.
Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng Las Piñas police ang iba pang kabataan na sangkot sa nabanggit na insidente kabilang ang isa sa mga ito na nakitang may dalang icepick upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero ng jeep at hindi na rin maulit pa ang mga ganitong hindi inaasahang pangyayari sa kalsada. James I. Catapusan