MANILA, Philippines- Pito mula sa 13 Filipino surrogate mothers ang pinauwi na ng Pilipinas mula Cambodia matapos makatanggap ng royal pardon at muling nakapiling ang kanilang pamilya na tiyempo naman sa Bagong Taon.
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagawa nitong pabilisin ang pagbabalik ng anim na kababaihan, isa ay dumating sa Maynila na may dalang anak, sa kanilang pamilya noong Disyembre 30. Ang pito namang kababaihan ay umuwi sa kani-kanilang lalawigan ng sumunod na araw.
Sa 13 surrogates, tatlo ang nakapanganak na habang ang natitira naman ay nakatakdang manganak ngayong taon.
Sa tatlong sanggol na naiuwi na sa Pilipinas, dalawa ang nananatili sa DSWD, kasama ang anim na iba pang kababaihan na inilagay naman sa center and residential care facility (CRCF) ng departamento.
Subalit, ang dalawa sa mga ito ay aalis sa Enero 4 matapos ipaalam sa DSWD ang kanilang intensyong umuwi ng bansa.
“The remaining four mothers and two babies will continue in their temporary stay with our CRCF. These are the mothers who said they would stay until they are ready to go home to their families,” ang sinabi ni Assistant Social Welfare Secretary Elaine Fallarcuna.
Nauna rito, nangako si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na pagkakalooban ng “all forms of assistance” ang repatriated mothers.
Kabilang ang mga ito sa 20 Filipina na inaresto noong Setyembre ng nakaraang taon sa Kandal province sa Cambodia, kung saan kinokonsiderang ilegal ng surrogacy. Ang surrogacy ay isang siyentipikong pagpupunla ng mga cell ng dalawang magulang na hindi na kayang magkaanak sa ibang babaeng pwedeng manganak.
Sa kabilang dako, pitong mga kababaihan na hindi naman buntis ng panahong iyon ng kanilang pag-aresto ay ibinalik sa Pilipinas nang walang anumang reklamo na isinampa laban sa kanila. Kris Jose